Kwentong Medical Mission ng Greater Heights
6/23/2023
Ang Nakaraan (Taon 2010-2019)
"Oh, nararamdaman mo pa ba iyong paa mo?"
"Grabe, ang sakit na ng binti ko."
"Wala na ako boses!"
"Linis Time na! Paano nga iyong ayos ng mga upuan dito?"
—Ilan lamang ang mga ito sa mga madalas na linyahan ng mga taga-Greater Heights sa bawat Medical Mission. Dati kasi, halos isang buong eskwelahan ang ginagamit para idaos ang iba't ibang mga serbisyo. Mula gate, covered court, hanggang classrooms, nililinis at inaayos ang mga ito upang gamitin sa buong araw na paglilingkod sa mga tao. May mga pagkakataon din na ang mga silid sa mas mataas na palapag ang ginagamit, kaya naman usung-uso ang pagpanik-panaog at pagtakbo ng mga volunteers! Naiintindihan niyo na po ba kung bakit namin nasasabi ang mga linyahan na iyon?
Ang Kasalukuyan (Taon 2023)
Marami at malaki ang pagbabago na nangyari dito. Walang silid na ginamit; covered court ang sentro ng mga gawain. Dahil dito, mas madali ang naging daloy dahil hindi na kailangan umakyat-baba ng mga tao. Bukod pa rito, malaki ang ibinawas ng mga pasyente, 'di tulad dati na umaabot ng hanggang dalawang libo. Bilang na bilang din ang mga volunteers; walang partner-church katulad noong mga nakaraan.
Gayunpaman, dahil ang mga tao sa likod ng misyong ito ay may Iisang Kaisipan, Iisang Pag-ibig, at Iisang Puso at Diwa (bilang katuparan sa Filipos 2:2), higit pa sa tagumpay ang naging resulta nito!
Ang mga taga-Greater Heights na parte ng Medical Mission na ito ay kinabibilangan ng mga bata, kabataan, matatanda, at may edad. Ilan sa kanilang mga tungkulin ay:
Bata: Taga-tatak ng mga papel mula Counseling papuntang Nurses' Station
Kabataan: Taga-sama, taga-hatid, at taga-bigay ng pangangailangan ng mga pasyente
Matatanda at May-edad: Naghahanda ng pagkain para sa mga doktor, nars, pasyente, at mga volunteer; tumutugon bilang counselors na nakikipag-usap sa mga pasyente upang magbigay ng pag-asa at panalangin
Bata man o matanda, hindi naging hadlang ang edad sa mga taga-Greater Heights upang makiisa sa gawain na ipinagkatiwala ng Diyos. Ilan sa mga may-edad ay may mga pisikal na limitasyon, subalit ang Kalakasan at Kaginhawaan ng Diyos ang kanilang naging bahagi. Tunay nga na mapalad ang mga taong umaasa sa Panginoon, sapagkat hindi Niya sila hinahayaan na manghina, bagkus ang kanilang lakas ay tulad ng lakas ng isang agila! Bukod pa rito, ultimo ang ngiti ng isang-taong-gulang na bata ay nakatutulong sa mga volunteer upang magpatuloy nang malakas at masaya sa gawain!
SA LIKOD NG MATAGUMPAY NA GAWAIN NA ITO AY MGA TAONG MANANAGUMPAY NA ITINATAG NG DIYOS NG TAGUMPAY!







